Pagbabawal na Gumamit ng Plastic Bags sa mga Establisyemento sa Cauayan City Isabela, Hanggang sa October 15 na Lamang!

Cauayan City, Isabela – Patuloy parin ang ginagawang monitoring ng City Environment and Natural Resources Office kaugnay sa kanilang programa sa pagbabawal na gumamit ng plastik bag sa iba’t ibang mga establisyementong nagtitinda sa lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Engineer Alejo Lamsen, ang pinuno ng CENRO ay sinabi nito na nag-iikot na umano ang pamunuan nito sa buong lungsod ng Cauayan upang muling paalalahanan ang mga may pwestong nagtitinda na hanggang sa Oktubre kinse na lamang ang paggamit ng plastik bag.

Aniya marami pa umano ang nakiusap at himingi ng ekstensyon na ipapaubos na lamang umano ng mga nagtitinda ang kanilang plastik bags kaya’t mahigpit na ang derektiba ng CENRO na pagsapit na ng nakatakdang araw ay papatawan na ng kaukulang parusa ang lalabag sa alituntunin.


Samantala ipinaalala naman ni Engr. Lamsen na ang mga plastik na maaring gamitin ay ang mga may tatak na bio degradable o gawa sa nabubulok na plastik at dapat umano na may sertipikasyon mula sa mga pabrika ng plastik.

Paliwanag pa ni Engr. Lamsen na kung mayroon umanong mga mahuhuli pagkatapos ng palugit na araw ay hindi umano magdadalawang isip ang CENRO na hindi babaguhin ang kanilang business permit ng mga mahuhuling gumagamit ng plastik bag.

Kaugnay nito, kung ikukumpara naman umano sa nakaraan ay maganda na umano sa ngayon ang resulta ng pagpapatupad ng bawal na paggamit ng plastik bag dahil sa mayroon na din umanong sumusunod ngayon lalo na sa mga malalaking mall sa lungsod ng Cauayan.

Malaki din umano ang nagagawa ng magandang koordinasyon ng mga opisyal sa bawat barangay hinggil sa naturang programa ng CENRO ng Cauayan City.

Facebook Comments