Pagbabawas ng social distancing sa mga pampublikong transportasyon, muling tatalakayin ng IATF; DOH, pinayuhan ang mga commuters na magdoble ingat

Pagpupulungan muli ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang hakbang ng Department of Transportation (DOTr) na reduced physical distancing ng bawat pasahero sa mga pampublikong transportasyon.

Kasunod ito ng babala ng mga eksperto na posibleng dumami muli ang bilang ng kaso ng COVID-19 dahil sa naturang hakbang.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, naririnig ng pamahalaan ang mga opinyon ng mga medical frontliners lalo na sa usaping pangkalusugan.


Aniya, inaprubahan ng IATF ang pagbabawas ng espasyo dahil sa layong buksan pa ang ekonomiya ng bansa.

Giit naman ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon na ang pagpapatupad ng reduced physical distancing sa mga public transport ay ibinase sa pag-aaral ng mga eksperto gaya ng International Union of Railways na hindi naman kailangan talaga na ganun kalaki ang distansya para maka-iwas sa virus.

Samantala, pinayuhan naman ng Department of Health (DOH) ang mga commuter na kung may tsansa o possible ay pumili ng masasakyan na kayang ipatupad ang one meter physical distancing.

Malaking bagay rin ang pagusuot ng face mask, face shield, at paghuhugas ng kamay para makaiwas sa COVID-19 habang ang mga senior citizen, immunocompromised at may mga karamdaman ay pinapayuhang manatili lang sa bahay.

Facebook Comments