Pagbabawas o pag-alis ng taripa sa imported na bigas, mas mainam ayon sa isang senador

Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na mas mainam kung binawasan o inalis na lamang muna ang taripa sa imported na bigas bago ang pagpapataw ng price cap sa nasabing produkto.

Ito ang binigyang diin ng lider ng Minorya sa Senado sa harap na rin ng panukala ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pansamantalang bawasan ang 35 percent rice import tariffs kung saan ibaba ito sa 10 percent o kaya ay gawing zero percent.

Inihirit din ni Pimentel na mas makabubuti kung matututukan din ang paghahabol sa mga hoarders at price fixers bago i-entertain ang ideya ng pagpapatupad ng price cap sa bigas.


Hiniling din ng senador na ipalabas sa merkado ang mga naka-hoard na suplay ng bigas at hayaan ang National Food Authority (NFA) na ilabas sa merkado ang dami ng bigas na kinakailangan para maging matatag ang presyo.

Punto ni Pimentel, ito ang ilang pamamaraan na mas dapat na inunang ipatupad o ginawa bago ang ideya ng pagpapataw ng price cap sa bigas.

Sinabi pa ni Pimentel na hindi naman pinupwersa si Pangulong Bongbong Marcos na kausapin muna ang economic team pero sana ay nakonsulta muna sila tungkol dito.

Facebook Comments