Pinalawig pa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ng isang buwan ang deadline sa pagbabayad ng water bills para sa nakonsumo mula August 4 hanggang August 18.
Ito’y alinsunod sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, maaari pang hati-hatiin ang pagbabayad sa tatlong buwan para sa mga maliliit na negosyo, kooperatiba at mga residential.
Simula naman ngayong araw, maglalabas na ng disconnection notice ang mga water concessionaire pero mayroon naman 15 araw ang konsumer para magbayad.
Sinabi pa ni Ty na maaaring humingi ang consumers ng payment extension sa dalawang concessionaires kung saan mag-iisue ang mga ito ng promissory note at magkakaroon ng payment scheme.
Susunod naman ang Manila Water pero may mga gagawin pa silang hakbang kung paano ang paghahati-hati ng bayad ng August bill pagkatapos naman ng grace period na 30 araw.
Umaapela naman ang Maynilad sa kanilang customers na pumirma na lang ng promissory notes at huwag nang paabutin pa sa disconnection notice.