Maaari nang isagawa online ang pagbabayad ng buwis at business permit sa bayan ng San Nicolas, Pangasinan, bilang bahagi ng pagpapalawak ng digital services ng lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng Link.BizPortal at ng San Nicolas LGU Business Permits Licensing System (BPLS), hindi na kinakailangang pumunta pa sa municipal hall ang mga residente at negosyante upang magbayad ng business permit at real property tax.
Layunin ng online system na pabilisin at pasimplehin ang mga transaksyon habang tinitiyak ang ligtas at maayos na proseso ng pagbabayad.
Kasabay nito, inilabas din ang LGU BPLS ePayment Guide na nagsisilbing gabay sa tamang hakbang sa paggamit ng online payment system upang maiwasan ang aberya sa transaksyon.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng LGU San Nicolas na gawing mas episyente, transparent, at madaling maabot ng publiko ang mga pangunahing serbisyong pampamahalaan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.










