Malaki umano ang naging kontribusyon ng pagbagal ng pork inflation sa pagbaba ng inflation sa bansa ngayong Hulyo.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 4% ang inflation sa bansa sa Hulyo kumpara sa 4.1% noong Hunyo.
Sa pagharap ni National Economic and Development Authority (NEDA) Asst. Director Lenard Guevarra sa joint hearing sa Kamara, mula sa 49% pork inflation noong Hunyo ay bumaba ito sa 38.4% o 10% ang ibinaba sa Hulyo.
Aabot sa 1.1% hanggang 1.3% ang kontribusyon ng meat sa pagbaba ng inflation sa bansa.
Dagdag pa ni Guevarra, pasok na rin sa target inflation ng pamahalaan na 2 hanggang 4 percent ang naitalang inflation rate noong nakaraang buwan.
Samantala, tiniyak naman ni Trade and Industry Usec. Ruth Castelo na patuloy ang kanilang pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa mga pamilihan para matiyak ang pagbaba ng presyo ng karneng baboy.
Sa kasalukuyan, ang presyuhan ng karneng baboy sa wet market ay P320-P330/kilo para sa kasim na bumaba na mula sa P340-P350 at liempo sa P360/kilo mula sa P370-P400.
Samantala sa frozen pork meat sa groceries, pumapatak sa P220-P250 kada kilo sa liempo, P220-P230/kilo sa kasim at P250/kilo naman sa ground pork.