Makati City – Overloading ang nakikitang dahilan ng Makati City police sa pagbagsak ng elevator sa PBCom tower sa Makati kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Makati City Police Chief Police Senior Superintendent Rogelio Simon nasa 28 katao ang sumakay sa service elevator at pinilit pa ng mga tenant na pagkasyahin ang kanilang sarili kahit na overloaded na ang elevator.
Sa ngayon tuloy-tuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Makati police sa nasabing insidente at nakipag-ugnayan na rin anila sila sa nagmamantini ng elevator sa PBCOM Tower.
Sinabi pa ni Simon na sa ngayon 1 na lang ang kanilang inoobserbahan na naka-confine sa ospital dahil sa fracture sa tuhod habang ang 13 sakay ng elevator na una nang isinugod sa iba’t-ibang ospital ay nakalabas na at nasa mabuti nang kondisyon.
Hinihintay na lamang nila kung maghahain ng reklamo laban sa elevator maintenance ang biktima na magpasa hanggang ngayon ay nagpapagaling sa ospital.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang mga biktima sa elevator sa 52nd floor nang magkaaberya at bumagsak ito pababa ng 12th floor.
Gumana naman daw ang emergency brake ng elevator kaya normal lang ang naging pagbaba nito.
Pero pagdating sa 12th floor ay hindi na bumukas ang pinto ng elevator at duon na dumausdos pababa ng ground floor.