PAGBAHA SA ILANG BARANGAY SA DAGUPAN CITY, PATULOY NA SINOSOLUSYUNAN; ALKALDE UMAPELA NA HUWAG ITONG SAMANTALAHIN UPANG MAMULITIKA

TULOY-TULOY ang ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Dagupan upang maibsan ang nararanasang pagbaha ng ilang barangay sa lungsod.

Ayon kay Dagupan City Mayor Marc Brian Lim, ang mga barangay na nakakaranas ng baha ngayon ay mga low lying areas ng siyudad gaya na lamang sa Barangay Carael na taon-taong binabaha.

Aniya, nagpadala na ito ng panambak sa naturang barangay upang mayroong malinis na daraanan ang mga residente na siyang temporary solution ng city government.


Nakatakda ding ipadala ang equipment sa barangay upang magsagawa ng declogging operation ngunit kung hindi ito nakatulong maaaring ang problema umano ay hindi konektadong drainage system.

Una nang naglaan ng apat na milyong piso ang lokal na pamahalaan sa pagpapataas ng daan sa mga binabahang lugar at sampung milyong piso naman ngayong taon ang inilaan na budget para dito.

Sinabi naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Council na nasa 81-120% o near normal pa lamang ang rainfall condition ng lungsod kung kaya’t umaasa ito na walang papasok na bagyo upang maibsan ang nararanasang pagbaha sa ilang barangay dulot na rin ng high tide.

Samantala, umapela naman ang alkalde na huwag bahiran ng pamumulitika ang isyu ng baha sa lungsod dahil hindi umano ito interesado sa political purposes kundi sa pagresolba ng mga problema ng lungsod.

Facebook Comments