Pagbasura ng Kamara sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, irespeto ayon kay Speaker Lord Allan Velasco

Umapela si Speaker Lord Allan Velasco na igalang ang desisyon ng House Committee on Justice sa pagbasura ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Ito ay kasunod na rin ng “unanimous” na resulta ng botohan kung saan pinadi-dismiss outright ang reklamong impeachment laban sa Associate Justice.

Giit ni Velasco, nagdesisyon na ang komite at dapat itong igalang ng lahat.


Dahil naman sa pagbasura sa reklamo kay Leonen, sinabi ni Velasco na mas makakatutok na ang Kongreso sa mga trabaho at lehislasyon para tulungan ang mga kababayan at mga sektor na nasapol ng COVID-19 pandemic.

Sa inilabas na pinal na resulta ng botohan ng justice panel, 44 ang mga kongresista na bumotong pabor sa pagbasura sa impeachment complaint, habang dalawa ang nag-inhibit.

Hindi naman nakitaan ng mga miyembro ng komite ng “sufficiency in form and substance” ang impeachment complaint na inihain ng complainant na si Edwin Cordevilla laban kay Leonen kaya agad din itong nabasura sa unang araw ng pagdinig.

Facebook Comments