
Welcome para sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa petisyon na kumukuwestiyon sa ipinasang ordinansa ng lungsod kaugnay sa garbage collection fee.
Sa isang pahayag, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na mahalaga ang pag-update sa singil sa basura para mapanatili ang episyenteng waste management service.
Layon aniya ng Manila City Ordinance No. 9151 na siguruhin ang kalinisan at kaayusan sa lungsod.
Inihain ang petisyon ng gurong si Barry Tayam kung saan hiniling niya na maglabas ng temporary restraining order ang Kataas-taasang Hukuman para ihinto ang pagpapatupad ng mas mataas na singil at ipawalang bisa ang ordinansa.
Nagdulot umano ng banta sa mga nagnenegosyo sa Maynila ang mas mataas na garbage fee at iba pang bayarin na nakakaapekto sa libu-libong establishimenyo.
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon dahil hindi residente ng Maynila si Tayam at nilabag umano ang hierarchy of courts kung saan dapat inihain daw muna sa regional trial court.









