Pagbasura sa DND-UP pact, posibleng magdulot ng takot at gamitin sa pagpapatahimik ng mga kritiko

Ikinabahala ng pamunuan ng University of the Philippines (UP) ang desisyon ng Department of National Defense (DND) na wakasan na ang kanilang DND-UP pact na nagbabawal sa pagpapapasok ng mga pulis at militar sa institusyon nang walang pahintulot.

Ayon kay UP President Danilo Concepcion, maaari lamang nitong mapalala ang relasyon ng dalawang institusyon at lumayo sa kanilang hangarin na magkaroon ng kapayapaan.

Ipinunto ni Concepcion na binuo ang kasunduan bilang simbolo ng respeto sa dalawang institusyon at wala rin namang naging problema rito sa loob nang 30 taon.


Kasunod nito, sinabi naman ni Vice President Leni Robredo na ang hakbang na ito ng administrasyon ay maaaring magdulot ng takot sa publiko at posible pang magamit sa pagpapatahimik ng mga kritiko.

Ilang mambabatas din ang kumondena sa ginawa ng DND kabilang sina Senator Francis Pangilinan, Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago at dating Senador Antonio Trillanes IV na kasalukuyang nagtuturo sa nasabing institusyon.

Ayon naman sa League of Filipino Students, maituturing ito na pag-atake sa kalayaan ng mga estudyante ng UP at layon lamang na patahimikin ang mga aktibistang nag-aaral sa unibersidad.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kaya nila binawi ang kasunduan ay dahil nagmistulan nang kanlungan ng mga kalaban ng estado ang U.P.

Facebook Comments