Cauayan City, Isabela – Patuloy ang maigting na pagpapatupad ng Public Order and Safety Division (POSD) sa bagong ordinansa ng Lungsod ng Cauayan hinggil sa pagbawal ng motorsiklo, Tricycle at kuliglig sa pambansang lansangan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni POSD Chief Pilarito Mallillin sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan sa kanya.
Aniya, dapat na dumaan ang mga tricycle sa outerlane kung saan mas ligtas ang kanilang pagmamaneho at huwag makipagsabayan sa Inner Lane o sa linya ng mga malalaki at mabibilis na sasakyan upang maiwasan ang aksidente.
Ayon kay Ginoong Mallillin, mayroon pa rin mangilan-ngilan ang hindi makasunod sa nasabing City ordinance.
Halos patapos na anya ang 6 lanes road ng lungsod kaya wala umanong dahilan upang hindi maipatupad ang nasabing ordinansa.
Isa rin anya na dahilan ng kanilang paghihigpit sa naturang patakaran ay dahil sa pagtaas sa bilang ng mga violators sa batas trapiko dito sa Lungsod ng Cauayan.
Binigyan na rin ng kanya-kanyang tarpaulin ang mga Tricycle Driver at mayroon rin mga inilagay na mga signages upang mas lalong maintindihan ang nasabing ordinansa.
Kaugnay nito, nakipagpulong na rin ang nasabing opisyal sa City Administrator ng lungsod upang humingi ng permiso na kung maaari ay ikulong ang mga hindi sumusunod rito.
Maaari rin anyang kanselahin ang prangkisa ng Driver o kaya ay kunin ang kanyang lisensya kapag ito ay maaktuhan na lumalabag sa batas.
Samantala, patuloy rin ang isinasagawang pagsuporta ng nasabing tanggapan sa pagpapatupad sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management upang mapanatiling maayos at malinis ang Cauayan City na tinaguriang Ideal City of the North.