Naglabas na ng pahayag ang ilang opisyal ng gobyerno kaugnay sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na binabawi ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, patunay lang ang desisyon na malakas pa rin ang alyansa ng Pilipinas at Amerika.
Isang welcome development naman para kay House Committee on National Defense Vice Chairman Ruffy Biazon ang desisyon dahil ayon dito, nagiging maganda na ang ugnayan ng Pilipinas at ng Amerika partikular na sa mga isyu sa seguridad at iba pang kasunduan.
Hindi naman nakakagulat para kay Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang pagbawi sa pagbasura ng VFA dahil giit nito una pa lang ay mayroon nang ibang plano ang pangulo lalo na para sa nalalapit na sa 2022 election.
Sa ngayon, maliban sa mga ito tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco ang nagpapatuloy na suporta sa anumang magiging desisyon ng pangulo at umaasang magiging resulta ito ng mas maganda pang ugnayan ng Pilipinas sa Estados Unidos.