Papayagan na muli ang pagbebenta ng alak sa Cavite sa pagpasok ng Hunyo eksaktong ala 1:00 ng hapon.
Sa Facebook post, inanunsyo ni Gov. Jonvic Remulla ngayong Biyernes ang kanyang pahayag tungkol sa pagbawi ng liqour ban sa darating na buwan.
Naglabas ng patakaran ang gobernador bilang bilin sa lahat ng Caviteños.
Aniya, ang may hawak lamang ng Q-pass kada pamilya ang maaaring bumili ng alak.
Papayagan lamang ang pagbenta nito mula 1:00 pm hanggang 4:00 pm.
Mayroon ding inilabas si Remulla na pwedeng pagpilian sa pagbili ng alak.
A. 1 litro ng hard drinks 18 proof and above kasama pero hindi lamang ang mga inumin Emparador, Alfonso, Ginebra, at iba pang “hard drinks”.
B. 2 litro ng 12-17 proof na inumin katulad ng wine, shoktong, at champagne.
C. Suma total ng 2 litro ng 1-11 proof katulad ng beer, red horse, san mig light, corona (yung beer hinde virus) at iba pa. (6 bottles or cans of 330 ml, or 4 bottles of 500ml).
Nakiusap naman ang gobernador na huwag laruin ang naturang sistema na aniya’y bagong patakaran at mababago lang kung kinakailangan talaga.
Dagdag niya, isa lamang sa tatlo ang pwedeng piliin ng sinumang residente.
Kaugnay nito, hindi pa rin umano papayagan ang inuman sa labas ng bahay.
Hindi rin makakaligtas ang mga tao sa kalye na naglalakad at amoy alak.
Bawal din umano ang karaoke maging ang mass gatherings.
Sinagot naman nito ang maaaring maging katanungan ng mga residente tungkol sa nasabing patakaran.
Samantala, bukas naman ilalabas ng gobernador ang bagong mall policy sa lalawigan.