Papayagan na ang pagbebenta ng alak sa Muntinlupa matapos na luwagan ng lokal na pamahalaan ang mga establisimyento sa pagtitinda ng mga nakalalasing na inumin.
Sa ilalim ng Ordinance 2021-232 papayagan nang magbenta ng alak ang mga establisimyento na pinahintulutan ng Inter-Agency Task Force (IATF) habang nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa ilalim ng ordinansa ay maaari lamang makabili ng alak mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Hihingan naman ng government-issued ID ang mga residenteng bibili.
Bawal bumili ng alak ang mga menor-de-edad pati na ang mga nakainom na.
Hindi naman pinahihintulutan ang social drinking nang hindi miyembro ng pamilya kahit ito ay nasa loob ng bahay.
Ang mga lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P2,500 hanggang P5,000.
Samantala, ang mga establisimyento naman na lalabag ay maaaring isara ng isang linggo o hindi kaya’y babawian ng business permit.