Thursday, March 5, 2026

Pagbibigay ng full assistance sa naiwang pamilya ng nasawing OFW na si Mary Anne de Vera, tiniyak ng DMW; halos 300 Pilipino mula Dubai nakatakdang bumalik sa bansa ngayong umaga

Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) kanilang bibigyan ng full-assistance ang naiwang pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Anne de Vera na nasawi sa Tel Aviv matapos na tamaan ng shrapnel.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay nakausap na nila ang kaanak ni De Vera kabilang ang asawa nito na nasa Israel, kapatid nito sa Qatar, at ang kaniyang pamilya sa Pangasinan.

Dagdag pa ni Cacdac na ang labi ng OFW ay nakahanda nang i-repatriate sa oras na ideklarang ligtas ang air travel para sa repatriation.

Samantala, nakatakda namang bumalik sa bansa ngayong umaga ang 299 na Pilipino mula Dubai, United Arab Emirates (UAE).

Ito ang kauna-unahang batch ng repatriation simula ng sumiklab ang tensyon sa Middle East.

Sakay ng Emirates Airlines Flight 336 ang mga Pinoy na lumipad pasado alas-10 ng gabi Philippine time kung saan inaasahan na sa mga oras na ito ay nakalapag na sa bansa ang eroplanong lulan ang mahigit 400 na pasahero.

Nagbigay naman ng paalala ang kalihim sa mga OFW sa Gitnang Silangan na mag-ingat bunsod pa rin ng lumalalang tensyon sa rehiyon.

Facebook Comments