Pagbibigay ng regalo tuwing Pasko, hindi obligasyon ng ninong at ninang – Archbishop Tagle

Image from CBCP News/Roy Lagarde

Muling ipinaliwanag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko nitong Sabado kung ano ang totoong tungkulin ng mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak.

Sa kaniyang homily, inihayag ni Tagle na dapat katuwang ng mga magulang ang mga ninong at ninang sa pagpapalaki ng mga bata bilang mabuting Kristiyano at mamayang Pilipino.

Aniya, responsibilidad nilang gabayan at maging mabuting ehemplo sa mga inaanak kahit walang inaabot na aginaldo.


Paalala din ni Tagle sa mga magulang, huwag gawing batayan ang mga pakimkim na ibibigay tuwing Kapaskuhan at dapat isaalang-alang ang mga magandang naidulot nito sa mga anak nila.

“Kumustahin nyo inaanak nyo, bisitahin nyo, magbigay kayo ng mabuting halimbawa para masabi ng mga bata ‘ah yung ninong at ninang ko mabuting Pilipino, mabuting Kristyano,” pahayag ng arsobispo.

Kasabay nito, pinangunahan ni Tagle ang pagbibinyag sa 450 batang kalye sa Manila Cathedral na tinutulungan ng Tulay ng Kabataan (TNK) foundation.

Facebook Comments