Cauayan City, Isabela- Nagpapaalala ang pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa lahat ng mga business establishments sa Lalawigan kaugnay sa pagbibigay ng tamang barya sa mga mamimili.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Mel Mari Angelo Laciste, Consumer Protection Division Technical Assistant ng DTI Isabela, nariyan aniya ang RA 10909 o No Shortchanging Act of 2016 na nag-uutos sa lahat ng mga business establishments na ibigay ang tamang sukli sa mga consumer.
Sa Ilalim ng nasabing batas, ipinagbabawal ang pamimigay ng ‘candy’ o ‘lumang pera’ bilang panukli sa mga mamimili maging ang pag-aabot ng hindi eksaktong halaga ng sukli.
Sinabi rin ni Laciste na bawal sa lahat ng mga business establishments ang hindi pagbibigay ng barya sa bumibili kahit na ito ay maliit na halaga lamang gaya ng 25 centavo.
Nilinaw rin ni Laciste na sakop din ng nasabing batas ang mga tsuper na namamasada at wala rin business establishment ang ‘exempted’ sa naturang batas na kung saan ay responsibilidad ng may-ari ng negosyo na mayroon itong sapat na panukli para sa mga bibili.
Ayon pa kay Ginoong Laciste, maaaring magsumbong sa kanilang tanggapan o magpadala ng mensahe sa kanilang Facebook Page (DTI Isabela) kasama ang mga ebidensya kung mayroong establisyimento na lumabag sa batas upang agad itong maimbestigahan at maaksyunan ng DTI.
Ang sinumang mapatunayan na lumabag sa No Shortchanging Act ay mapapatawan ng multa mula sa pinakamababang halaga na P500 hanggang P25,000 o pagsasara ng gusali dipende sa ilang beses o uri ng paglabag.