Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga gustong magpaabot ng tulong sa mga pami-pamilyang biktima ng pagbaha sa eastern at central Visayas maging sa Mindanao na iwasan sana ang pagdo-donate ng ukay-ukay o used clothings.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Rommel Lopez na panuntunan ng ahensiya na i- discourage ang pagbibigay ng mga smuggled used clothings o ukay-ukay dahil may health concern ukol dito.
Paliwanag ni Lopez, may health hazard aniyang nakapaloob kaugnay rito lalo’t hindi naman batid kung saan galing ang mga ukay-ukay maliban pa sa wala naman itong dinaanang proseso para matiyak na hindi makapagbibigay ng anumang banta sa kalusugan ng sinumang gagamit nito.
Pagbibigay diin ni Lopez, ayaw nilang makompromiso ang recipient bagama’t maituturing sanang praktikal na ipamahagi na lamang ang mga nakumpiskang kontrabando para sa calamity victims.
Kasabay nito ‘y hinimok din ng DSWD official na kung mag-do-donate ng de lata o anumang food packs ay siguruhing may isang taon pa bago ito mag-expire.