Pagbibigay ng ₱500 kada buwan na social pension sa mga senior citizens, gagawin na kada quarter sa 2022

Kinumpirma ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rolando Bautista na gagawin na kada quarter ang pagbibigay ng ₱500 na social pension para sa mga indigent o mahihirap na senior citizens sa bansa.

Sinabi ito ni Bautista sa naging pagtatanong ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez hinggil sa social pension ng mga senior citizen.

Nauna nang humirit si Rodriguez na baka uubrang kada buwan na ang bigayan ng pensyon sa mga lolo at lola dahil masyadong mahaba ang hintayin kung kada anim na buwan pa.


Pero ayon kay Bautista, umpisa sa unang quarter ng 2022 ay ipatutupad ng DSWD ang payout kada quarter o kada tatlong buwan.

Sa kasalukuyan kasi, ang pamamahagi ng ₱500 na buwanang social pension para sa mga nakatatandang benepisyaryo ay nakukuha lamang nila kada anim na buwan.

Facebook Comments