Mas pinalalakas pa ng Bolinao Tourism Office ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa sektor ng turismo lalo na’t dinarayo ang ilan sa kanilang mga pook pasyalan.
Ayon kay Jackie Lyn Bonoan, Bolinao Tourism Staff, may mga training at seminar silang inilunsad upang higit pang patatagin ang kakayahan ng kanilang mga kasamahan at mga katuwang na organisasyon at asosasyon pagdating sa pagtanggap ng mga bisita.
Dapat rin umano na sapat ang kaalaman ng mga gumagabay sa mga turista pagdating sa kasaysayan ng mga pook pasyalan upang makatanggap ang mga ito ng lehitimong impormasyon.
Isa rin sa kaniyang binigyang-diin ay ang kaligtasan ng mga turista sa lahat ng pook pasyalan na binibisita sa kanilang bayan.
Sa ngayon, may iba pa umanong aktibidad na nakalinya sa pagpasok ng “ber” months kaya’t hinihikayat nila ang publiko na muling bumisita at makibahagi sa mga ito.









