Hangad ni Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara ang maayos kalusugan para kay Budget Secretary Wendel Avisado na nagbitiw upang lubos na magpagaling matapos tamaan ng COVID 19.
Tiwala naman si Angara sa kakayahan ng undersecretaries at assistant secretaries ng Department of Budget and Management (DBM) para makabuo ng pambansang budget para sa susunod na taon na tumutugon sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Angara, mahalaga ang magiging paggastos ng pamahalaan para makausad ang bansa.
Hindi naman maalis ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang mag-alala kaugnay sa pagbibitiw ni Avisado lalo pa’t makalipas ang 20 araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ay hindi pa rin naisusumite sa Kongreso ang proposed 2022 budget.
Ayon kay Drilon, maaring magahol sa oras ang pagbusisi sa budget dahil sa pandemya at nalalapit na campaign period.
Bunsod nito ay imumungkahi ni Drilon kay Senate President Tito Sotto na magsagawa ng marathon hearings at sessions para maiwasan ang reenactment ng 2021 General Appropriations Act sa susunod na taon kung kailan nakatakda ang halalan.