Dapat mag-focus ang Pilipinas sa pagbili ng mga bakunang mataas ang efficacy rate laban sa Delta o Indian COVID-19 variant.
Ito ang binigyang-diin ni dating National Task Force on COVID-19 Special Adviser Dr. Anthony Leachon kasunod ng pagdami ng nakamamatay na variant sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Leachon na may mga bansa na kahit nabakunahan na ang kanilang mga mamamayan ay nagkakaroon pa rin ng surge ng Delta variant.
Ito ay dahil hindi aniya epektibo laban sa COVID-19 ang bakunang itinurok sa kanila.
Sinabi ni Leachon na batay sa pag-aaral sa ibang bansa, ang COVID-19 vaccine ng Pfizer, Moderna at AstraZeneca ang mataas ang efficacy rate laban sa Delta variant kumpara sa Sinovac.
Bukod sa bakuna, sinabi ni Leachon na dapat pa ring manatili ang mga ipinapatupad na boarder control sa mga bansang may Delta variant, testing, tracing, isolation o quarantine protocols.