Pagbili ng pataba, hiniling ng isang senador na ipaubaya na lamang sa mga magsasaka

Ipaubaya sa mga magsasaka ang pagpili ng pataba na gagamitin sa kanilang mga pananim.

Ito ang suhestyon ni Senator Imee Marcos kasabay ng babala nito na kapag pumalpak ang Department of Agriculture (DA) sa pangako na tataas ang rice production sa paggamit ng biofertilizer ay posibleng magresulta ito ng mas malaking importasyon ng bigas at makapagpababa ng kita sa mga magsasaka.

Giit ni Marcos na makabubuting hayaan ang mga magsasaka na magdesisyon kung aling fertilizer ang gagamitin dahil mas batid ng mga ito kung anong magandang pataba ang dapat na gamitin para sa masaganang ani.


Kung ang senadora ang tatanungin, mas pabor ito na panatilihin ng gobyerno ang sistema ng pagbibigay ng cash vouchers para subsidiya sa pagbili ng pataba.

Kasabay nito ay pinare-review rin ni Senator Marcos sa DA ang Memorandum Order 32 kung saan isinusulong ang pamamahagi ng biofertilizers sa mga rice farmers sa buong bansa kapalit ng inorganic urea matapos na dumulog sa kanyang tanggapan at humingi ng tulong tungkol dito ang mga farmers’ group.

Paliwanag ng senadora, kinakailangan pa munang isailalim sa test ang biofertilizer para patunayan na talagang mapapababa nito ang rice production costs at mas mapapalakas ang pagaani ng mga magsasaka.

Facebook Comments