Iminungkahi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na luwagan na ang pagbili ng pribadong sektor at mga Local Government Unit (LGU) ng COVID-19 vaccine.
Sa patakaran ngayon ay kailangan pang idaan sa national government ang pagbili ng bakuna kung saan dapat munang magkaroon ng tripartite agreement sa pagitan nito at ng pribadong sektor, LGUs at bibilhan ng bakuna.
Giit ni Drilon, kung hahayaang direkta ng makapag-import ng bakuna ang LGUs at private sector ay mas mapapabilis ang pagbibigay nito sa publiko bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Sa nakikita ni Drilon, ngayon ay usad-pagong ang pagbabakuna dahil nasa 6 na milyon pa lang ang nababakunahan gayong 70 milyong mga Pilipino ang target na mabakunahan.
Diin ni Drilon, sa mabilis na pagbabakuna nakasalalay ang pagbalik ng sigla ng ating ekonomiya para makabalik na rin sa trabaho ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.