*Cauayan City, Isabela- *Malaki ang pasasalamat ng naiwang pamilya ni late Corporal Marlon Manuel ng 41st Infantry Battalion, 5th ID, PA dahil sa personal na pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon sa mga labi ng limang nasawing sundalo sa pamunuan ng 5th ID sa Upi, Gamu, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan sa asawa ni Corporal Manuel na si Ms. Noima Manuel ng brgy San Pablo, Cauayan City, ramdam nito ang pakikidalamhati ng Pangulo dahil sa pagbisita nito dito sa ating Lalawigan upang makiramay at masilayan ang mga labi ng mga yumaong sundalo.
Bukod pa rito ay nagpaabot rin ng tulong pinansyal ang Pangulo sa naiwang pamilya ng mga namatay na sundalo.
Batay sa kwento ni Ms. Noima Manuel, tanging siya at kanilang limang buwang sanggol na anak lamang ang sinasambit ni Manuel bago ito malagutan ng hininga matapos ang engkwentro sa mga Abu Sayyaf Noong Nov. 16, 2018 sa Patikul, Sulu.
kaugnay nito ay sinabi na sa kanya na napalaban ang kanyang tropa sa mga Abu Sayyaf noong gabi ng Nov. 16, 2018 hanggang sa malaman na kabilang ang kanyang asawa sa mga nasawi.
Kabilang sa mga 5 nasawi (KIA) ay sina Corporal Renhart Macad ng Kalinga, Corporal Bryan Apalin ng Abra, Corporal John Raphy Francisco ng Cagayan, Corporal Marlon Manuel ng Cauayan City, Isabela at si Private First Class Jordan Labbutan ng Kalinga.
Samantala, Nakatakdang ihatid sa huling hantungan si late Corporal Marlon Manuel sa November 28, 2018.