Pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa bansa, pagpapakita ng malakas na relasyon ng US at Pilipinas ayon sa isang senador

Maituturing umanong pagpapakita ng malakas na relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos ang nakatakdang pagbisita sa bansa sa darating na Linggo ni United State Vice President Kamala Harris.

Ayon kay National Defense and Security Committee Chairman Senator Jinggoy Estrada, ang pagdalaw sa bansa ng isang high-ranking US official ay paghahayag ng matatag na alyansa at strategic partnership ng dalawang bansa.

Maaari din aniyang ang pagbisita ni Harris ay alinsunod din sa Joint Vision Statement (JVS) ng dalawang bansa na naghahayag ng pagresolba at kooperasyon sa mga pangunahing isyu sa pamamagitan ng pagsasagawa ng high-level visits at mga dayalogo.


Dagdag pa ni Estrada, ang naturang pagbisita ni Harris sa Palawan ay makasaysayan dahil ito pa lamang ang pinakamataas na opisyal ng Amerika na bibisita sa isla.

Bukod dito, ang pagbisita sa lalawigan ni Harris ay pagpapakita ng commitment ng US na makiisa at magbigay suporta sa gobyerno ng Pilipinas sa pagpapairal ng ‘rule of law’ at ‘maritime law’.

Sa November 20 hanggang November 22 ang petsa ng pagbisita ni Harris sa bansa kung saan magkakaroon muna ito ng hiwalay na bilateral meetings kay Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte at saka ito lilipad papuntang Palawan.

Facebook Comments