Makakatulong sa pagpopondo ng pagresponde ng pamahalaan sa COVID-19 crisis ang pagpayag sa ilang minahan na muling makapag-operate.
Ito ang iginiit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos buksan ang ilang mining companies na sinuspinde o ipinasara ng namayapang dating Environment Secretary Gina Lopez.
Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, malaki ang nakukuhang revenue ng bansa mula sa mining.
Pero hindi pa tiyak si Antiporda kung magkano ang makukuhang pondo ng pamahalaan mula sa pagmimina.
Bagama’t mandato ng DENR na tiyakin ang pangangalaga sa kalikasan, kailangan ding tumulong ng ahensya sa muling pagbangon ng ekonomiya.
Matatandaang nitong 2017, ipinag-utos ni Lopez ang pagpapasara at suspensyon ng mining activities ng 26 na kumpanya.
Nitong 2018, muling ni-review ito ni kasalukuyang Environment Secretary Roy Cimatu at tiniyak na ang mga tumalima at itinama ang kanilang paglabag ang papayagang magbukas.