Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa gobyerno at mga lokal na opisyal na muling buksan ang mga pampublikong lugar, paikliin ang curfew at pahabain ang business hours kahit nagpapatuloy ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Marcos, na siyang chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, hindi solusyon ang patuloy na lockdown para kontrolin ang pagkalat ng virus dahil lalo nitong gagawing “salat sa pera, salat sa espasyo at salat sa oras” ang mga Pilipino.
Paliwanag ni Marcos, dahil sa lockdown nagsisiksikan sa bahay ang mga pamilya lalo na sa mga lungsod na may mataas na populasyon at hirap sila kumilos para maghanap ng trabaho.
Naniniwala si Marcos na huling opsyon na lang dapat ang lockdown bilang solusyon sa mga talagang infected, at target na mga sitio o barangay na hindi sumusunod sa mga protocol.
Iginiit ni Marcos na kung muling bubuksan ang mga pampublikong espasyo at isara sa sasakyan ang mga iskinita pagkatapos ng oras ng trabaho ay mas makakakilos ang mga tao sa kanilang mga gawain at mapo-promote pa ang physical at mental health, basta’t naipatutupad pa rin ang pagsusuot ng face masks at social distancing.
Dagdag pa ni Marcos, ang pagpapaikli sa mga curfew at pagpapahaba ng business hours ay magpapaluwag din sa mga siksikan ng mga opisina, mga palengke at grocery gayundin sa limitadong pampublikong mga sasakyan.
Iminungkahi ni Marcos na habang wala pang bakuna ay pansamantala tayong matutong mamuhay na may virus, at umpisahan ng ibalik ang mga pampublikong espasyo sa taumbayan.