*Cauayan City, Isabela- *Ipinaliwanag ni Commissioner Atty. Susan Ordinario na isa sa mga pumanday sa Proposed draft Federal Constitution ng Pilipinas ang pagbuo at magiging struktura ng Federal Government at Federated Regions maging ang Transition period mula sa Unitary patungong Federal System.
Sinabi nito sa kanyang personal na pagbisita sa himpilan ng DWKD RMN Cauayan bilang parte sa kanilang isinasagawang Regional Federalism Roadshow sa Lungsod na magkakaroon ng labing walong federated regions ang Pilipinas na gagawing federal state para sa kabuuan.
Aniya, Kung magiging Federal Government ang sistema ng Pilipinas ay pamumunuan ang bawat region ng isang Regional Governor at Vice-Regional Governor na hahawak sa mga executive functions na dating hawak ng National Government.
Magkakaroon din umano ng Regional Assembly na magiging legislative body na kabibilangan ng mga kinatawan mula sa mga probinsya at lungsod o independent cities sa isang rehiyon at mga political parties na papanday ng mga batas sa federated region.
Manggagaling na rin umano mismo sa mga Regional Offices ang mga regional cabinets upang hindi na madoble ang mga opisina sa bawat tanggapan.
Samantala, tungkulin naman umano ng Commission on Elections (COMELEC) na gagawa para sa patakaran at pamantayan para sa accreditation ng mga Political Parties at para turuan din ang mga mamamayan sa kanilang mandato bilang mga botante.