Pagbuo ng Anti-Smuggling Task Force, ipinanawagan para makontrol ang pagpasok ng frozen meat

Nanawagan ang grupo sa sektor ng agrikultura kay Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo na ng Anti-Smuggling Task Force laban sa iligal na pagpasok sa bansa ng mga agricultural products.

Sa pahayag ni Nick Briones na siyang presidente ng Agriculture Sector Alliance of the Philipines, patuloy na nananamantala ang mga smugglers sa bansa kaya’t ang mga magsasasaka, hog raisers, poultry farmers at iba pang sektor sa agrikultura ang nahihirapan.

Iginiit nila na sana ay gumawa ng programa ang Department of Agriculture (DA) para sa kapakanan ng lahat at hindi puro salita lamang sa halip na magpatuloy sa pag-iimport.


Sinabi pa ni Briones na tila lumalala ang problema sa isyu ng baboy kung kaya’t dapat daw itong masolusyunan dahil posibleng mawalan na ng suplay sa bansa makalipas ang dalawang buwan at pawang mga frozen meat na ang ibebenta sa merkado.

Nabatid na ang mga frozen meat ay itinatambak na ng mga meat importer at smuggler sa mga palengke kaya’t nais nila na magkaroon na rin ng price ceiling para dito upang makontrol at masiguro na ligtas ito sa publiko.

Matatandaan na tinugunan ng pamahalaan ang panawagan ng grupo na magsagawa ng Agricultural Summit kung saan itinakda ito sa darating na April 7, 2021.

Facebook Comments