Sisimulan na ngayong alas nueve ng umaga ang unang araw ng pagdinig sa P5.024 trillion pambansang pondo sa 2022.
Unang sasalang ngayong araw ang Development Budget Coordination Committee (DBCC), Department of Budget and Management (DBM), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Inaasahang maipapaliwanag ng mga economic managers na dadalo sa budget hearing ang mga pondo na nakaugnay ngayon sa mga proyekto at programa para sa pagahon ng ekonomiya at kabuhayan mula sa epekto ng pandemya.
Mababatid na ang National Budget sa 2022 ay nakasentro sa pagbangon at pagtugon sa COVID-19.
Ang sektor para sa Social Services ang makakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng pondo na aabot sa P1.922 trillion.
Nakapaloob sa sektor na ito ang pondo para sa mga health related services tulad ng implementasyon ng Universal Health Care Act, pagbili ng COVID-19 vaccines, Personal Protective Equipment (PPEs) at iba pang medical supplies.
Nasa P252.4 billion ang alokasyon para sa COVID-19 response activities at programs.
Aabot sa P45.4 billion sa ilalim ng unprogrammed appropriations ang maaaring magamit para sa booster shots na nakalaan para sa 93.798 million na mga fully-vaccinated na Pilipino.