Hindi pa tiyak kung madaragdagan pa ang bilang ng mga bansang ilalagay ng Pilipinas sa red list dahil sa banta ng Omicron COVID-19 variant.
Ayon kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, malalaman pa ito kapag lumabas na ang pag-aaral kung mas nakakahawa ba ito o hindi kumpara sa Delta variant.
Sa kasalukuyan, 14 na bansa ang kabilang sa red list habang 23 bansa ang nakapagtala na ng kaso ng Omicron variant kabilang na ang Estados Unidos.
Una nang sinabi ng World Health Organization na hindi solusyon ang pagsasarado ng borders para mapigilan ang pagkalat ng Omicron.
Samantala, inaasahang sa mga susunod na araw malalaman ang mga karagdagang impormasyon sa bagong variant.
Oral antiviral drug na Molnupiravir, posibleng epektibo panlaban sa Omicron COVID-19 variant
Maaaring maging gamot kontra sa bagong Omicron variant ang experimental COVID-19 drug na Molnupiravir.
Ayon kay Dr. Joel Santiaguel, clinical investigator ng Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City, batay ito sa ipinakitang epekto ng Molnupiravir sa isinasagawang third phase ng global study.
Sa kabila niyan, nilinaw ni Santiaguel na wala pang ginagawang pag-aaral sa epekto ng nasabing gamot laban sa bagong variant.
Ang Molnupiravir ang unang oral antiviral drug na napatunayang nakakapigil sa paglala ng mga mild at moderate COVID-19 cases at ang posibleng pagkasawi ng pasyente.
Noong nakaraang buwan, inaprubahan din ito ng Britain bilang gamot sa mild at moderate cases ng COVID-19.