Nababahala si Vice President Leni Robredo sa posibleng implikasyon ng pagdagsa ng Chinese retirees sa pambansang seguridad.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na ang pagdagsa ng mga retiradong Tsino ay nalilimitahan ang employment opportunities para sa mga Pilipino.
“Baka ito ay magtrabaho sa mga POGO. Ito na nga iyong nirereklamo ng marami nating mga kababayan: na imbes iyong trabaho— Unang una, iyong POGO dapat hindi pinapayagan dito, kasi number one, ilegal nga siya sa China, ilegal siya sa China tapos pinapayagan natin dito. Iyon iyong number one. Number two, kung kukuha sila ng trabaho dito, maraming Pilipino ang walang trabaho, makikiagaw pa sila sa mga Pilipino,” dagdag ni Robredo.
Kinuwestyon din ni Robredo ang mga ito dahil 35-taong gulang pa lamang ay retirado na.
“Una iyong edad. Ang babata pa, 35 retired na. Pangalawa—pangalawa, talagang—talagang ang dali—parang iyong investment na required sobrang baba. So sana—sana call ito ng opisina nila na ipa-revisit iyong mga policies kasi nakakatakot ito para sa atin,” ani Robredo.
Batay sa datos ng Philippine Retirement Authority (PRA) na nasa 27,678 Chinese retirees ang nasa Pilipinas.
Sa ngayon, sinuspinde muna ng PRA ang pagpoproseso ng applications para sa bagong Special Resident Retiree’s Visas (SRRVs) nitong October 23.