
Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong extended holiday period kasabay ng pagho-host ng bansa sa ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa susunod na linggo, November 16 hanggang 18.
Inatasan ni PNP Chief General Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang lahat ng Police Regional Office na palakasin ang presensya ng pulisya at mga operasyon nito sa mga pangunahing transport hub, pantalan, paliparan, bus terminal, highway, at mga pasyalan na inaasahang dadagsain ng mga tao.
Ayon kay Nartatez, kahit na abala ang pambansang pulisya para sa seguridad ng ASEAN ay patuloy ang paninindigan nito sa ligtas na pagbyahe ng mga Pilipino .
Kasabay nito ang pagbibigay paalala sa publiko na i-secure ang kanilang tahanan bago umalis, alamin ang mga traffic and travel regulation, manatiling mapagmatyag sa mga kriminal na aktibidad at agad na i-report ang kahina-hinalang insidente sa pinakamalapit na pulisya.










