Pagde-deploy ng quick response unit sa mga vaccination site inutos na ni PNP Chief Eleazar

May direktiba na si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa lahat ng police commander na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga local chief executive hinggil sa sistema ng bakunahan sa kanilang lokalidad.

Ginawa niya ito upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao maging ang pinangangambahang super spreader events sa mga vaccination site sa Metro Manila.

Kahapon, dinagsa ang mga vaccination center kaya hindi nasunod ang social distancing at iba pang minimum public health safety standards.


Nagkaroon kanselasyon sa bakunahan sa ilang vaccination center dahil sa dami ng mga walk-in na nagbabakasakali na sila ay mabakunahan kontra COVID-19.

Sinabi ni Eleazar, mahalagang malaman ng mga pulis ang sistema at paraan ng bakunahan sa bawat lugar para makapaghanda ng sapat na bilang ng personnel na magbabantay dito.

Panawagan naman ni Eleazar sa publiko na huwag maniniwala sa fake news na hindi papayagang makalabas ng bahay ang mga hindi bakunado, aniya hindi ito basehan kung papayagang lumabas ang isang indibidwal ngayong Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Facebook Comments