Pagdedeklara ng State of Calamity dahil sa kaso ng Dengue, Hihilingin sa Tabuk City Council

Cauayan City, Isabela- Hihilingin ni Tabuk City Mayor Darwin Estrañero sa Sangguniang Panlungsod na maaprubahan ang pagdedeklara ng State of Calamity kasunod ng pagtaas ng kaso ng Dengue sa lungsod.

Ito ay makaraang magpatawag ng emergency meeting ang City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) na pinamumunuan ng alkalde.

Batay kasi sa iniulat ng City Health Services Office (CHSO), nakakabahala na ang 1,758% na pagtaas ng mga kaso ng dengue ngayong taon kung saan 762 ang naitala nito lamang Hulyo 30, 2022.

Ayon kay CHSO chief Dr. Henrietta Bagayao, 83 pasyente ang kasalukuyang ginagamot sa mga pampubliko at pribadong ospital sa lungsod, at tatlong katao ang pumanaw.

Sakaling maaprubahan ang kahilingan ni Estrañero, makakatugon agad ang lungsod para magamit ang quick response fund upang magpatupad ng mga hakbang upang labanan ang pagkalat ng sakit.

Lumalabas sa datos ng CHSO, naitala ang pinakamataas na bilang ng kaso sa mga barangay ng Bulanao at Agbannawag.

Kaugnay nito, magsasagawa ng Bloodletting Activity ang CHSO upang matiyak ang sapat na suplay ng dugo kaya’t panawagan sa publiko na makiisa sa gagawing aktibidad bukas, August 5, 2022.

Facebook Comments