Cauayan City, Isabela- Isang malaking bagay ang sunod-sunod na pagdeklara ng mga probinsya at bayan sa buong lambak ng Cagayan na persona non-grata ang mga kasapi ng New people’s Army (NPA) upang hindi makagawa ng anumang di kanais-nais o karahasan sa mamamayan.
Ito ang inihayag ni Sgt. Jake Lopez, ng Civil Military Operations (CMO) ng 5 th Infantry Division, Philippine Army sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Kanyang sinabi na mula nang maideklara bilang persona non grata o hindi pag-welcome sa mga NPA sa isang lugar ay wala naman umanong karahasan ang naitala o kanilang natanggap na sumbong mula sa mga residente na may presensya ng NPA.
Magugunita na naunang nagdeklara ng persona non grata laban sa mga NPA sa Rehiyon dos ang Lalawigan ng Cagayan na sinundan ng probinsya ng Nueva Vizcaya, ang ilang mga bayan at barangay sa Isabela na inaasahan rin anumang araw na ideklara rin na hindi katanggap-tanggap sa Lalawigan ang sinumang kasapi ng makakaliwang pangkat.
Gayunman, patuloy pa rin aniya ang kanilang pagbabantay sa kanilang nasasakupan upang mahadlangan ang anumang masamang binabalak na gawin ng mga rebelde.
Dagdag pa ni Sgt Lopez, paubos at lumiliit na rin ang lugar na ginagalawan ng mga NPA sa rehiyon dahil na rin sa sunod-sunod na pagsuko ng kanilang kasamahan at mga Militia ng Bayan (MB) sa pamahalaan bunga na rin ng kanilang isinasagawang Community Support Program (CSP) sa mga kanayunan.
Giit naman ni Sgt. Benjie Maribbay ng 86th Infantry Battalion, isa aniya itong hamon para sa mga nahalal na opisyal na panindigan ang hindi pagtanggap o pag-welcome sa sinumang miyembro ng NPA upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lugar.
Naniniwala naman si BGen. Laurence Mina, ang Brigade Commander ng 502nd Infantry ‘Liberator’ Brigade na sa pamamagitan nito ay matatapos na sa lalong madaling panahon ang problema sa insurhensya sa buong Lambak ng Cagayan.