
Umarangkada na ang pagdinig ng ad hoc committee ng Senado kaugnay sa pagtugon ng pamahalaan tungkol sa epekto ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Sa kabila ng session break ay nagsagawa ng pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, inisa-isa ang mga update tungkol sa mga naging hakbang ng bawat ahensya sa gobyerno para tugunan ang epekto sa bansa kapag tumindi pa ang tensyon sa naturang rehiyon.
Target ng komite na makapaglatag ng konkretong resulta at bumuo ng komprehensibong contingency framework sa loob ng isa hanggang dalawang linggo na layong maprotektahan ang taumbayan mula sa epekto ng krisis.
Sinabi ni ad hoc committee Chairman Sherwin Gatchalian, na ang mga matatalakay rito, mga rekomendasyon at solusyon ay gagawan ng committee report na ipapadala sa pangulo.
Iginiit na sa anumang yugto o sigalot ay dapat handa ang bansa na magpatupad ng angkop at target na contingency plan.










