Tugon sa 10-dash line map ng China ang ikakasang pagdinig mamaya ng special committee on Philippine maritime and admiralty zones.
Tatalakayin ng special committee ang mga usapin at panukalang inihain para ma-institutionalize ang maritime zones ng bansa na ating magiging batayan sa sakop na teritoryo sa West Philippine Sea salig na rin sa international law.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, ang Chairman ng naturang special committee, posibleng umabot ng hanggang limang pagdinig ang gagawin ng komite dahil babalangkas tayo ng sarili nating mapa.
Inimbitahan aniya sa pagdinig ang mga resource person mula sa Beijing University para malaman kung bakit inaangkin ng China ang ating teritoryo at uusisain din kung bakit gumawa sila ng 10-dash line map.
Kasama rin sa pinapaharap sa pagdinig si Gregory Poling, ang Director ng Southeast Asia Program and Asia Maritime Transparency Initiative ng Center for Strategic and International Studies gayundin ang mga kinatawan ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), mga satellite operators at ilang foreign experts sa nasabing usapin.
Hindi naman inimbitahan ang Ambassador ng China sa Pilipinas dahil hindi naman nito kabisado ang isyu at minabuti nilang padaluhin sa pagdinig ang mga eksperto na naglaan ng lima hanggang sampung taon tungkol sa usapin na ito.
Umaasa si Tolentino na ang Maritime Zone Law ang magpapatibay sa ating claims at susuporta sa desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea lalo’t wala pang batas ang Pilipinas para sa maritime zones.
Bukod sa West Philippine Sea ay isasama rin sa maritime zones ng bansa ang Benham Rise na papapalitan ng pangalan na “Talampas ng Pilipinas”.
Bukod sa mga isla ay opisyal na ring papangalanan ang mga underwater features na sakop ng ating maritime zones.