Pagdinig ukol sa pagkasira ng maraming COVID-19 vaccine, isinulong ng isang kongresista

Inihain ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Lorenz Defensor ang House Resolution 270 na nagsusulong ng pagdinig ukol sa pagkasira ng milyon-milyong bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Defensor, target ng pagdinig na matukoy ang dahilan o kung sino ang may pagkukulang kaya nasayang ang nasa 20 million na doses ng COVID vaccine na nagkakahalaga ng 13 billion pesos.

Para kay Defensor, mahalagang marinig ang panig ng Department of Health, gayundin ng mga private sector at Local Government Units upang malaman kung ano ang naging problema.


Sa budget briefing sa Kamara ay nauna nang sinabi ng DOH na ang mga na-expire na bakuna kontra COVID-19 sa bansa ay hindi mula sa “procurement” ng national government.

Sinabi rin ni Health Usec. Maria Carolina Vidal-Taino, mayroong mga bakunang nasayang dahil sa operational wastage, natural disasters o kalamidad, sunog o kaya’y hindi angkop na temperatura, discoloration at iba pa.

Facebook Comments