Inihayag ngayon ni Manila Police District (MPD) Chief Police Brigadier General Leo Francisco na naging mapayapa ang pagdiriwang ng mga Manileño sa Bagong Taon.
Ang iba sa kanila ay ginawa ang pagdiriwang sa kani-kanilang mga tahanan kung saan kanila na lamang pinanood sa Facebook page ng Manila Public Information Office ang pyrotechnic display at drone show na inihanda ng lokal na pamahalaan.
Ginawa ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang nasabing program para magbigay saya sa mga residente nito lalo na’t mayroon pa ring banta ng COVID-19 sa bansa.
Ang iba naman ay sinubukan magtungo sa ilang pasyalan sa lungsod tulad ng Luneta Park pero hindi sila pinayagan mag-overnight.
Samantala, personal na sinira ni Gen. Francisco ang nasabat na mga paputok sa ikinasa nilang “Oplan Galugad” sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila.
Kabilang sa mga sinira ay mga super jumbo fountain, jumbo alkansya fountain, sixteen shots fireworks, box luces, stick luces, baby rockets, at saturn missiles.
Una nang ipinag-utos ng mga alkalde sa Metro Manila ang mahigpit na pagbabawal at pagpapaputok para makaiwas sa anumang disgrasya at sa posibleng paglabag sa ipinatutupad na health protocols kontra COVID-19.