Naging mapayapa sa pangkalahatan ang naging pagdiriwang ng Pasko sa buong bansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, bagama’t may naitalang maliliit na insidente tulad ng theft cases ay hindi ito nakaapekto sa pangkabuuang selebrasyon ng Kapaskuhan.
Kasabay nito, kinumpirma ni Fajardo na nakapagtala sila ng isang kaso ng pagpapaputok ng baril sa La Paz, Abra noong madaling araw ng December 25 sangkot ang isang miyembro ng Philippine Army.
“Rumesponde po yung personnel po ng La Paz Municipal Police Station dahil nga po may nag-report po na isang concerned citizen regarding sa kaso ng illegal discharge of firearm. Ito pong suspek ay nasa custody na po ng La Paz Municipal Police Station for investigation and proper disposition,” ani Fajardo sa interview ng RMN DZXL 558.
“Ating iniimbestigahan kung yung pagpapaputok po ba ay may kinalaman sa pagtupad ng kanyang trabaho po o ito ay accidental discharge of firearm,” dagdag niya.
Samantala, naging ‘generally peaceful’ din ang pagsasagawa ng siyam na araw na Simbang Gabi sa bansa.
Sa Metro Manila, sinabi ng National Capital Region Police Office na wala silang naitalang significant incident sa bisinidad ng mga simbahan.
Nakapagtala lang din ang NCRPO ng 100 index crime incidents mula December 16 hanggang 24 na mas mababa sa 154 na naitala sa kaparehong panahon noong 2021 at sa 190 na naitala noong 2020.