Festival season na naman! At sa pagpasok ng buwan ng Marso ay siya namang pagbubukas ng isa sa mga malalaking kapistahan sa lalawigan, ang Pindang Festival ng bayan ng Mangaldan.
Opisyal nang nagsimula ang Pindang Festival sa isinagawang Civic Parade nitong umaga ng Lunes, March 02, 2026, sa pangunguna ng Mangaldan LGU.
Humigit-kumulang limampung (50) grupo at organisasyon ang nakiisa kung saan tampok ang mga makukulay na floats na dinisenyuhan ng mga nagsipagdalo sa parada.
Pagkatapos nito ay itinuloy ang kasiyahan sa Mangaldan National High School (MNHS) kung saan nagkaroon ng Marching Bands School Exhibition.
Anim (6) na Drum and Lyre Corps at isang (1) Drum and Bugle Corps ang nagpakita ng kanilang masiglang performances na nagpaindak at nagpaawit sa mga manonood.
Sinundan naman ito ng Mass Field Demonstration ng mga mag-aaral ng MNHS na masiglang inaliw sa kanilang dance performance ang mga nagsipagdalo.
Bawat ngiti sa labi, kumpas ng kamay, at indak ng paa ay siyang nagpapahiwatig ng kaligayahan sa muling pagdiriwang sa bayan ng Mangaldan — bagay na nagpapakita ng pagkakaisa ng bawat mamamayan nito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










