Nanawagan ang Philippine General Hospital (PGH) sa mga pasyenteng naka-rekober sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na mag-donate ng dugo.
Ito ay matapos mapag-alamang nagtataglay ng anti-bodies ang dugo ng mga pasyenteng gumaling sa virus na pwedeng magamit na panlaban sa sakit.
Ayon kay PGH Spokesman Dr. Jonas Del Rosario, malaki ang tiyansa na makarekober ang isang COVID-19 positive gamit ang dugo ng COVID-19 survivor dahil nagtataglay ito ng anti-bodies na pwedeng makatulong sa mga COVID-19 patients na nasa kritikal na kundisyon.
Ang proseso ay tinatawag na transfusion o convalescent plasma transfusion kung saan kukunin ang plasma mula sa COVID-19 survivor papunta sa COVID-19 positive patient.
Nabatid na unang ipinatupad ang ganitong treatment sa Wuhan, China.
Samantala, inaasahang ngayong weekend na darating ang mga medical expert mula China.
Ayon sa Chinese Embassy sa bansa, ang mga parating na eksperto mula China ang tutulong sa mga frontliners sa Pilipinas para labanan ang COVID-19.
Binubuo sila ng 12 medical expert na magbibigay ng technical guidance at magbabahagi ng kanilang karanasan sa pakikipaglaban sa sakit sa kanilang bansa.