Pagdoble ng kaso ng mga pagpatay sa bansa na may kaugnayan sa usapin ng droga, itinanggi ng PNP

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Cascolan na hindi dumoble ang kaso ng mga pagpatay sa bansa na may kaugnayan sa usapin ng droga.

Paliwanag ito ni Cascolan kasunod ng inilabas na pahayag ng Human Rights Watch (HRW) na nadagdagan ng 50 porsyento ang mga nasawi sa war on drugs sa pagitan ng Abril hanggang Hulyo ngayong taon.

Ayon sa Hepe sa PNP, hindi nila kinukunsinte ang mga patayan sa ilalim ng kanyang pamumuno.


Hindi rin aniya dapat patayin ang small time drug users dahil ito ang nagiging daan para mahuli ang iba pang sangkot sa droga.

Kasabay nito, tumanggi naman si Cascolan na alisin sa pwesto si National Capital Region Police Office (NCRPO) Dir. Gen. Debold Sinas sa kabila ng ipinatupad na balasahan sa ahensiya.

Imbes kasi aniya na tanggalin, mas mabuting bigyan pa ito ng promosyon dahil deserving at naging maganda ang pamumuno nito sa NCRPO.

Kung balasahan din ang pag-uusapan, naniniwala si Cascolan na iisang tao lang ang dapat isailalim sa balasahan at ito ay si Police Brig. Gen. Albert Ignatius Ferro na katatalaga pa lamang sa Southern Luzon Directorate for Integrated Police Operation (DIPO).

Sa ngayon, kinokonsidera na ni Cascolan si Calabarzon Director Police Brig. Gen. Vicente Danao Jr., na bagong hepe ng NCRPO sakaling mabigyan ng promotion si Sinas.

Facebook Comments