Paggagamot sa mga may sakit na Tuberculosis, Maigting na Tinututukan ng City Health Office 2-Cauayan City, Isabela!

*Cauayan City, Isabela- *Maigting na tinututukan ngayon ng City Health Office 2 (CHO) ang kanilang kampanya sa pagbibigay lunas sa mga may sakit na tuberculosis o TB sa kanilang mga nasasakupang barangay dito sa lungsod ng Cauayan.

Ayon kay Dr. Maria Kristin Purugganan, ang Asst. Health Officer ng City Health Office 2 ay nasa limampung porsiyento na ang kanilang natatanggap na pasyenteng may sakit na TB sa kanilang nasasakupan.

Iginiit pa ni Dr. Purugganan na libre ang pagpapagamot ng isang pasyente kung miyembro ito ng Philhealth maging sa mga bagong panganak na sanggol.


Samantala, tuloy rin umano ang kanilang isinasagawang School Based Immunization Program sa mga paaralan at nananawagan rin sila sa lahat ng mga magulang na makiisa at huwag matakot sa kanilang isasagawang pagbabakuna sa kanilang mga anak.

Hinimok naman ng City Health Office 2 ang lahat ng mga magulang na magtungo lamang sa kanilang tanggapan kung may nais kumpirmahin o linawin hinggil sa kanilang isinasagawang School based Immunization Program at panggagamot sa sakit na Tuberculosis.

Facebook Comments