Nilinaw ni Senator Sherwin Gatchalian na wala sa discretion o pagpapasya ng mga senador at mga kongresista ang paggamit ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Paliwanag ni Gatchalian, kahit sino sa mga mambabatas ay maaaring mag-refer sa AKAP ng Department of Social Welfare and Development o DSWD pero dapat ay matitiyak na pasok ito sa guidelines.
Para maka-avail ng tulong mula sa AKAP, kailangan ay mas mababa pa sa minimum wage earners ang kita o hindi matatawag na direktang mahirap.
Aniya pa, ang DSWD pa rin ang magsasala, susuri, at tatanggap kung pasok sa benepisyaryo ng AKAP ang mga ire-refer ng mga senador at kongresista.
Dagdag pa ni Gatchalian, executive budget ito at ang ehekutibo rin ang maglalabas ng guidelines, rules at disbursement ng budget at hindi ang legislative.