Paggawad ng Congressional Medal of Excellence kay Carlos Yulo, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Abra Representative Ching Bernos na magawaran ng Congressional Medal of Excellence si Carlos Yulo katulad ng iginawad noon ng Kamara kay weightlifter Hidilyn Diaz na nakasungkit ng Olympic gold medal noong 2021.

Ang hirit ni Bernos ay nakapaloob sa inihain niyang House Resolution No. 1839 na nagbibigay ng papuri at pagkilala sa tagumpay ni Yulo matapos magbulsa ng dalawang gintong medalya sa 2024 Summer Olympic Games sa Paris, France.

Binigyang diin sa resolusyon na dapat parangalan ng Kamara si Yulo dahil sa karangalan at inspirasyon na inihatid nito sa buong Pilipinas at mga Pilipino.


Samantala, nagpahayag din ng taos-pusong pagbati ang Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist kay Yulo.

Ayon kay PBA Partylist Representative Migs Nograles, tunay na kahanga-hanga ang dedikasyon, sipat at talento ni Yulo na isang halimbawa sa mga atletang Pilipino na hangad maging world-class champions.

Facebook Comments