Manila, Philippines – Iginiit ni Liberal Party o LP Senator Bam Aquino na sa halip na pangakuan ng pardon ay dapat hayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gumulong ang sistema ng hustisya at parusahan ang sinumang mapatutunayang gumawa ng pag-abuso o iba pang krimen.
Ito ang reaksyon ni Senator Aquino makaraang tiyakin ni Pangulong Duterte na pagkakalooban niya ng pardon ang 19 na mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Para kay Aquino, sa nasabing pangako ng Pangulo ay tila pinapalabas na mayroong mga indibidwal o grupo na mas mataas pa sa batas.
Si Mayor Espinosa ay binaril at napatay ng mga mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG region 8 dahil nanlaban daw ito ng kanilag silbihan ng search warrant habang nakaditine sa Baybay sub-provincial jail noong nakaraang taon.
Ngunit ayon kay Aquino, malinaw sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order, ang testimonya ng isang medico-legal officer na binaril si Mayor Espinosa habang nakahiga.
Tinukoy din ni Aquino ang report na inilabas ni Committee Chairman Senator Panfilo Lacson, na pinagplanuhan ang pagpatay kay Espinosa at nakagawa ng pag-abuso sa kapangyarihan ang mga pulis na sangkot dito.